Dambana ng Ina ng Laging Saklolo

Simbahan ng San Alfonso

 

Ang Simbahan na matatagpuan sa burol ng Esquilino sa pagitan ng dalawang basilika ng Sta. Maria Major at San Juan, ay isang natatanging halimbawa ng arkitekturang “neo-gothic” sa Roma. Bagama’t inialay sa Banal na Tagapagligtas, itinayo ito bilang parangal kay San Alfonso de Ligorio na siyang tagapagtatag ng Kongregasyon ng mga Redentorista, kaya’t ipinangalan sa kanya.

Itinayo ito noong 1855-59, ayon sa plano ng arkitektong tubong Scotland na si George Wigley, sa lugar ng Villa Caserta, isang pag-aari na nakamit ng mga Redentorista mula sa pamilya ng mga Caetani. Ang simbahan ay may sukat na 42x14 na metro at binasbasan noong 1859 ni Kardinal Constantino Patrisi. Ayon sa tradisyon, habang hinuhukay ang pundasyon ng simbahan, may nakitang isang gintong sentimo na may ukit na larawan ng Tagapagligtas, at ito’y itinuring na magandang pangitain.

Tatlong pinto sa estilong “gothic” ang papasukan patungong harapan ng loob ng simbahan. Sa  “tympanum” o dingding sa pagitan ng arkong bubong at gitnang pinto ay may magandang larawan ng Ina ng Laging Saklolo na gawa sa isang makulay na mosayko. Sa ibabaw ng “tympana” ng pinto sa magkabilang tabi ay may “bas-relief” o nakaumbok na larawan na may mosaykong ginto sa likuran na gawa ni Antonio dela Bitta, nakalarawan sa kaliwang bahagi si San Alfonso at sa kanang bahagi ay ang santong Redentorista na si Clemente Hofbauer. Sa tuktok ng arko sa itaas ng gitnang pinto ay ang estatwa ng Banal na Tagapagligtas na gawa sa marmol na “carrara”. Sa pinakataas pa nito ay ang napakagandang bintanang hugis bulaklak na rosas bilang pagpaparangal sa Ina ng Laging Saklolo, at pinag-gigitnaan ito ng dalawang maliliit na bintanang pabilog. Isang batong patuntungan ang nagsusuporta sa krus na “Celtic” na inayos noong 1964.

Sa pagpasok sa simbahan ay may aakyatin kang hagdanan na may 24 na malalapad na baytang, na ginawa noong 1932. Sa loob ng simbahan, malalaking haligi ng makukulay na marmol ang humahati sa malawak na gitnang daanan mula sa dalawang maliit na daanan sa tagiliran. Mapapansin na hindi sinunod ng arkitektong si Wigley ang eksaktong paraan ng pag-gawa ng “gothic” ng Transalpine, kundi ang paghahanap ng makabagong interpretasyon nito. Ang gitnang bahagi, na nasa pagitan ng dalawang daanan sa magkabilang tabi na hinahati ng  malapad na arkong katulad sa “neogothic” ng Timog Italya, ay nagpapakita ng kagandahan ng makukulay na marmol. Ang daanan sa tagiliran ay may anim na maliliit na kapilya, na itinayo sa pagitan ng 1932 at 1939, alay kay Sta. Teresa ng Avila, San Jose, Banal na Pamilya, San Francisco ng Assisi, Inang Imakulada at kay San Alfonso. Ang kumpisalan, na itinayo noong nagsisimula ang ika-20 siglo ay ginawa sa estilong “gothic” ayon sa desenyo ni Gerard Knockaert, ay likha ng isang Redentoristang hermano na si Gerardo Uriati, isang kilalang manggagawa ng kabinet.

Ang bintanang hugis bulaklak na rosas na gawa sa makukulay na salamin at ang mga bintana sa tagilirang daanan ay nagmula sa Pransya at gawa ng isang Hermanong Domenikano na si Marcelino Leforestier. Noong mga taong 1898-1900, dalawang Redentorista, ang mga arkitektong taga Belgio na sina Gerard Knockaert, (1845-1928) at ang pintor mula sa Bavaria na si Maximilien Schmalzl (1850-1930) ay nag-alay ng sariling kakayahan upang mapaganda ng mabuti ang simbahan at magamit ang lahat ng espasyo nito. Ang mga larawan sa kapilya at sa arko ng gitnang bahagi, na gawa ni Schmalzl ay likha ng panahong ito kasama ang mga  nasa galeriya, sa itaas ng  daanan sa tabi, na nagbubukas patungong gitnang bahagi sa pamamagitan ng  serye ng tatlong patindig na bintana.

Sa dulo ng gitnang bahagi, sa mapagbunying arko sa ibabaw ng pasukan ng dambana, mapapansin kaagad ang isang larawang gawa noong maagang bahagi ng ika-20 siglo ni Eugenio Cisterna, na nagpapakita ng Pagputong ng Korona sa Birheng Maria kasama ang mga Anghel at mga Santo ng Kapatirang Redentorista.  Sa ilalim nito ay nakasulat sa Latin ang mga katagang “Ang Banal na Ina ay iniakyat sa ibabaw ng koro ng mga anghel sa kaharian ng langit”. Si Cisterna din ang maygawa ng mga larawang pabilog ng mga Apostoles at mga Santo na matatagpuan sa ibabaw ng arko sa tagilirang daanan. Sa arkong pabilog sa tapat ng altar ay may isa pang katagang nakasulat sa Latin: “Iniligtas mo kami ng iyong dugo at inilikha mo kami ng kaharian sa aming Diyos”.  Sa itaas ng dambana ay may malaking ipinintang  Krus na sa likuran ay kulay ginto, at sa magkabilang tabi ay ang disenyo ng simbulo ni Papa Paulo VI  at ng yumaong Kardinal Ritter ng Saint Louis, U.S.A.

Ang kahanga-hangang samosayko sa arko ng tapat ng altar, na naglalarawan ng Tagapagligtas na itinatanghal sa pagitan ng nagpaparangal na Birhen at ni San Jose, ay nilikha noong 1964 at idinagdag sa naunang larawang gawa ni Rodhen. Sa wakas, noong 1995 ang larawan ng Ina ng Laging Saklolo (orihinal ng 14 siglo) na dumaan sa pagsasaayos ay muling ipinakita sa publiko sa isang bago at mas simpleng disenyo ng paligid na gawa sa tanso at salamin. Ito at ang panibagong anyo ng dambana ay isinagawa sa gabay ni Padre Antonio Marazzo.

 

Kasaysayan

Ang Simbahan ni San Alfonso sa may Esquilino ay sentro ng Kristiyanong pananampalataya at naroon ang orihinal na Larawan ng Ina ng Laging Saklolo.

Ayon sa popular na tradisyon, ang Larawan ay ninakaw sa isla ng Crete ng isang mangangalakal na naglayag at nagdala nito sa Roma noong ika-15 siglo. Sinasabi na sa panahon ng kanilang paglalakbay, isang matinding bagyo ang naglagay sa panganib sa buhay ng mga pasahero at laking pasasalamat nila dahil sa pamamagitan ng kalinga ng ating Ina, ang lahat ay naligtas. Bago siya mamatay, nagpasya ang mangangalakal na ilagak ang Larawan sa isang kaibigan upang ito ay maibigay sa Simbahan sa lungsod. Samantala, itinabi ng kaibigan ang Larawan hanggang panahong siya’y malapit nang bawian ng buhay. At sa pamamagitan ng panaginip, nagpakita ang Birhen sa kanyang maliit na anak na babae at ipinahayag ang kagustuhang sambahin ito sa Simbahan na nasa pagitan ng Basilika ng Santa Maria Major at San Juan Laterano. Ang kanyang asawa ang sa wakas ay naglagak ng Larawan sa Simbahan ng San Mateo.

Sa loob ng tatlong siglo, iyon ang naging sentro ng debosyon sa dakong Esquilino, subalit matapos wasakin ng mga hukbo ni Napoleon ang Simbahan ng San Mateo, inilipat ito sa Simbahan ng Santa Maria sa Posterola (Roma). Ang Larawan ay nanatili doon sa loob ng 70 taon hanggang dumating ang mga Redentorista sa Roma. Itinatayo nila ang Simbahan ng San Alfonso sa dating  lugar ng San Mateo at naging interisado sila sa Larawan. Ito’y muling natuklasan, salamat sa isang masayang pagkakataon. Si Fr. Michael Marchi, isang Redentorista, ang naka-alaala na nakita niya iyon noong siya ay isang sacristan pa lamang; na naroon sa isa sa mga kapilya ng Santa Maria sa Posterula.

Noong 1866, matapos ayusin ang Larawan ng isang pintor na taga Poland, si Leopold Nowotny, opisyal na ipinagkatiwala ito ni Papa Pio IX sa mga Redentorista. Makaraan ang isang taon, noong ito’y pasan sa isang prosisyon sa dakong Rione Monti, ang Mahal na Ina ay gumawa ng himala sa pamamagitan ng pagpapagaling sa isang batang maysakit. Ito’y inaala-ala sa pamamagitan ng kopya ng Larawan na matatagpuan sa Via Merulana, 276.

Mula ika- 26 ng Abril 1866, ang orihinal na Larawan ay pinangalagaan sa Simbahan ng San Alfonso, na ngayon ay isang mahalagang Dambana ni Maria. Ang maraming mga deboto ay nagpupunta doon mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo at nasumpungan nilang ang Dambana ng Ina ng Laging Saklolo ay isang kanlungan at bahay dalanginan, mabiyayang sentro ng kabanalan at pakikipagkaibigan. Ang lahat ay nakakatulong upang maging maayos ang pakikipagugnayan sa Ina ng Diyos.

 

Ang pahayag ng Larawan

 

Ang Larawan ng Ina ng Laging Saklolo ay isang Icon, mula sa salitang Griyego na “eikon” na ang ibig sabihin ay kawangis. Ang Icon ay hindi isang simpleng pagsasalarawan ng mga santo. Kundi ito’y isang uri ng larawan na nagpapakita sa taong pinararangalan sa paraang ispiritwal. Kapag nagdarasal sa harap ng Icon, na iginuhit ayon sa akmang teyolohikal at teknikal na panuntunan, mapapalalim natin ang ating kaalaman sa katotohanan ng misteryo ni Kristo, ng ating Ina at ng mga Anghel at pumapasok tayo sa ispiritwal na kaugnayan sa kanila.

Ang Icon ng Ina ng Laging Saklolo ay may sukat na 54 x 41.5 sentimetro. Ito’y isa sa mga Icon ng Pasyon ng Ating Ina at nagpapakita ng Ating Ina kasama ng Anak, na mayroong anghel sa magkabilang tabi na taglay ang mga instrumento ng Pasyon. Ang kamay ng Anak ay nakadaop sa kamay ng Ina habang mapipigtas na ang suot na sandalyas sa Kanyang paa na nagpapakita ng kanyang sakong. Ang mga letrang Griyego na nasa Icon ay tumutukoy sa mga pangalan ng apat na nakalarawan: Hesukristo, Ina ng Diyos, Arkanghel Gabriel (kanan) at Arkanghel Miguel (kaliwa).

Ang di nakilalang pintor ng Icon ng Ina ng Laging Saklolo ay tila nagnanais na ipakita ang pangamba ni Kristo habang pinagninilayan Niya ang tanawin ng Kanyang kinakaharap na Pasyon, na ipinapahayag ng mga instrumentong dala ng mga anghel, at sa isang mabilis na pagtakbo ay napigtas ang sandalyas. Ang mga elemetong na ito sa kabuoang larawan ay nagpapakita ng katotohanan ng paghihirap at Pasyon ni Kristo. Kasabay nito, ang Larawan ay nagpapatunay ng tagumpay ni Kristo laban sa kahirapan at kamatayan. Ito’y ipinapakita ng ginintuang kulay sa likuran, na nagsisimbolo ng Muling Pagkabuhay at kung papaano hinahawakan ng mga anghel ang mga instrumento ng Pasyon. Ang mga ito’y lumalabas na hindi banta ng pagkawasak kundi mga tropeo ng tagumpay, kinuha mula sa Kalbaryo noong umaga ng Muling Pagkabuhay. Kaya’t maaaring sabihin na ang pangunahing tema ng Larawan ay ang misteryo ng Pasyon, Kamatayan, at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Ang sentro ng Larawan ay matatagpuan sa pagdadaop ng mga palad ng Ina at ng Anak. Ang kanang kamay ng Ina ay sumasalubong sa Anak, na nagbibigay diin sa pagiging tao ni Kristo. Ang katotohanan ng pagkatawang tao ay makikita rin sa kilos ng Anak na nagpapakita ng sakong ng Kanyang paa at ang pagkapit niya sa Kanyang Ina, na tila naghahanap ng kalinga ni Maria. Ang kamay ng Birhen, samakatuwid, ay tumutukoy din sa pagiging Anak ng Diyos, na nagpapatingkad ng makalangit na katayuan ni Hesus. Si Maria, samakatuwid ay ipinakikilala bilang Hodighitria, siya na gumagabay sa atin sa Tagapagligtas, sa Kanya na “Daan, Katotohanan at Buhay”. At si Maria naman ang ating Saklolo na namamagitan sa atin sa kanyang Anak, na nag-alay ng buhay para sa atin sa Krus ng Kalbaryo. Ang tala sa noo ng ating Ina ay nagpapatingkad sa papel na kanyang gagampanan sa plano ng ating kaligtasan: upang maging Ina ng Diyos at Ina ng sangkatauhan.

Sa pagtuon natin sa Icon ng Ina ng Laging Saklolo, na mayaman sa mga bagay para sa pagninilay, maaari nating magagap ang kahulugan ng Misteryo ni Kristo at mapalalim ang ating pakikipag-ugnay sa Kanya sa gabay ng Ina ng Tagapagligtas.

 

Debosyon sa Ina ng Laging Saklolo

 

Ayon sa tradisyon, habang inilalagak ang Icon sa mga Redentorista noong 1866, ipinahayag ni Papa Pio IX ang kagustuhan na ipakilala siya sa mundo. Mula noon hanggang ngayon, ang debosyon sa Ina ng Laging Saklolo ay lumaganap sa buong mundo. Libo-libong kopya ng Larawan ay naipamahagi sa buong daigdig at maraming dambana kung saan ang mga kopya ng orihinal na Icon ay pinaparangalan at maituturing na mapaghimala.

Ilan sa mga higit na kilalang dambana ay iyong nasa Boston at New York (USA), Haiti, kung saan ang Ina ng Laging Saklolo ay siyang patron ng bansa; Santiago (Chile, Curitaba, Belem at Manaus sa Barzil, Tequisquipan sa Mexico; Belfast at Limerick sa Ireland; Busolengo sa Italya; Torun at Cracow sa Poland; Singapore at ang mas higit na kilala sa Baclaran ng Maynila (Pilipinas).

Ang Palagiang Nobena na nagmula sa St. Louis (USA) noong 1927, ay nakapagbigay ng malaking tulong sa pagpapalaganap ng debosyon. Ang Nobena ay tinawag na “Palagian”, dahil sa ito’y isinasagawa sa isang nakatakdang araw sa bawat linggo ng taon. Sa gitna ng debosyon sa Nobena, hindi lang nagdarasal ng tradisyunal na panalangin ang mga mananampalataya, kundi naghahadog sila ng isinulat na kahilingan at pasasalamat sa mga biyayang natanggap. Meron ding pagninilay sa ilang bahagi ng buhay ispiritwal.

Bawa’t taon sa buwan ng Hunyo, bilang paghahanda para sa kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo, ay merong ginaganap na Solemneng Nobena sa ating Dambana; siyam na araw ng panalangin at pagninilay ng buhay kristiyano.

 

 

MAKAKATULONG NA IMPORMASYON

 

Kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo: Hunyo 27.

Ito’y ipinagdiriwang sa huling Linggo ng Hunyo at pinangngunahan ng Solemneng Nobena.

Ang Dambana ay bukas:

Araw-araw mula ika 7 ng umaga hanggang ika 7:30 ng gabi. Ang Dambana ay may espesyal na pasukan para sa mga naka“wheel-chairs”.

Oras ng Misa

Karaniwang araw: 7.00 - 9.00 - 6.30 ng hapon
Araw ng Pista: 7.00 (Italian) - 9.30 (Polish) 11.15 (Italian) 12.30 (Polish) - 16.00 (English) - 18.30 (Italian)

Palagiang Nobena:

Paglalakbay sa Dambana:

Maaaring makipag-ugnayan sa opisina ng Dambana upang masigurado ang maayos na pagtanggap.

Ang mga pari ay maaaring magdiwang ng Santa Misa kasama ng kanilang grupo kung meron silang reserbasyon. Ang Dambana ay may mga librong pangmisa sa iba’t-ibang salita at maaari ding makapagtakda ng mga paring magmimisa sa Italian, English, Polish, French, Spanish Portuguese, German at Pilipino.

Sakristiya

May espesyal na opisina na tumatanggap ng intensyon sa Banal na Misa at nakakapag-ayos ng “Papal Blessings”. Meron ding maliit na tindahan para sa mga “souvenirs”. Ang “Relics” ng mga Santong Redentorista ay maaari ding hilingin. Ang mga intensyon sa Banal na Misa, “Papal Blessings” at “souvenirs” ay maaari ding i-order sa pamamagitan ng fax o sulat sa address na:

SANTUARIO DEL PERPETUO SOCCORSO
VIA MERULANA, 31 - 00185 ROME - ITALIA

TEL. / FAX +39-06-4949.0689

 

http://www.omph.it

http://www.omph-roma.org

e-mail: sanpersoc@cssr.com

Ipinagpapasalamat namin ang donasyong nais ninyong iaalay

 

Paano pumunta sa Dambana:

Sa Metro:

Sa Bus: mula Termini Station #16; #714

 

Hintay namin ang inyong pagbisita!


Roma 2006